MENU
DSC 1100
Cotabato City – Humigit kumulang 300,000 bilang ng mga kababaihan na may reproductive age 15 hanggang 49 ang nakatanggap ng libreng booster dose ng tetanus at diphtheria vaccine sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
“Atleast 80% ang target ng central office, ngunit tayo sa rehiyon ay nakapagbakuna ng 88% kababaihang nasa reproductive age”, sinabi ni Dr. Kadil Sinolinding Jr, kalihim ng Department of Health (DOH-ARMM).

 

Ang mga pagbakuna ay nagsimula Enero noong nakaraang taon sa mga probinsiya ng Sulu at Basilan, pati na rin sa bayan ng Marawi sa Lanao del Sur at sa mga kalapit na munisipalidad nito – Kapai, Ditsaan-Ramain, Marantao at Saguiran.

“Gusto nating patuloy na matanggal ang maternal at neonatal tetanus (MNT) sa buong rehiyon,” sinabi ni Dr. Sinolinding. Opisyal na nailabas ang mga datos noong Martes, ika-23 ng Mayo, noong idinaos ng Department of Health ang mga advocacy videos kaugnay ng MNT.

“Siniguro natin na lahat ng babaeng nasa reproductive age ay makakabenepisyo sa libreng bakuna,” sinabi ni Dayang Carlsum Sangkul-Jumaide, DOH-ARMM assistant secretary. Binigyang diin niya na ang pagpapabakuna ay libre, “Kung maaari ay i-report ninyo sa aming opisina kung ibinebenta ng mga health providers ang mga vaccine”.

Ipinakita mula sa 2015 assessment ng DOH, sa pakikipagtulungan ng World Health Organization at United Nation Children’s Fund, ang MNT high-risk areas ng bansa ay matatagpuan sa ARMM.

Upang maabot ang mga high-risk areas na ito, ang DOH-ARMM ay nagsagawa ng supplementary immunization activities upang mabigyan ng tatlong rounds ng bakuna kontra tetanus ang mga kababaihan. Sa pamamagitan ng mga bakuna, ang mga babae, pati na rin ang kanilang bagong silang na anak, ay makakaligtas mula sa MNT.

Bilang bahagi ng inisyatibo ng health department na puksain ang MNT, ito’y naglabas ng advocacy videos na naglalaman ng mensahe ng apat na Ps ng imminuzation – Proteksyon, Pagmamahal sa sarili at kay Beybi, Pagpapahalaga sa Kalusugan, at Pagtitipid.
“Hinahangad natin na sa pamamagitan ng advocacy videos na ito, kahit paano ay maimpluwensyahan natin ang mga kababaihan na pumunta sa mga health centers, o lumapit sa skilled health care provider para sa isang aktwal na pagbakuna,” sinabi ni Dr. Sinolinding.

“Sana sa panonood ng mga videos na ito, mapagtanto ng mga kababaihan ang mga kahalagahan at benepisyo ng immunization at boluntaryo silang magpapabakuna at maging self-reliant rin sa pagkuha ng basic health services,” sinabi ni Erlyn Rodrigo Hampac, immunization program coordinator. (Bureau of Public Information).